LIKE OUR FACEBOOK PAGE
Ni Glen Sibonga Kinumpirma ni Coco Martin na totoong hinihikayat siyang tumakbo bilang susunod na pangulo ng Actors Guild of the Philippines. “Actually, oo, may mga kasamahan tayo sa industriya na siguro nakikita nila, napupusuan nila na tumakbo ako bilang presidente ng Actors Guild,” sabi ni Coco. Gayunpaman, inamin din ng Kapamilya actor na hindi pa siya handa para sa naturang posisyon. “Ang sinasabi ko, natatakot ako baka hindi pa po ako handa. Kasi kilala ko ang sarili ko e, hindi ko papasukin ang isang bagay kung wala naman akong magagawa. Kasi sabi ko, siguro pag alam kong reading-ready na ako, pag alam ko na malaki ang maitutulong ko o mapagbabago ko, pupuntahan ko iyan. Pero ngayon po, ang sabi ko, ang hangarin ko po gusto ko ay dahan-dahang makatulong sa mga kasamahan natin dito.” Unang humikayat daw kay Coco para tumakbong Actors Guild president ay ang kasalukuyang pangulo nito na si Rez Cortez. Incidentally, kasama as guest actor si Rez sa ABS-CBN primetime teleseryeng pinagbibidahan ni Coco, ang FPJ’s Ang Probinsyano. Ginagampanan ng veteran actor sa serye ang kontrabida role bilang si General Jacob, police official na protektor ng mga drug syndicates.
Kuwento ni Coco, “Noong una po kinausap po ako ni Tito Rez Cortez. Kasi po siya po ang presidente ngayon ng Actors Guild. Sabi niyang ganun, ‘Co, alam mo nakikita ko ngayon, ikaw lang yung pinaka may concern sa industry lalo na sa ating mga kasamahang artista, sa mga staff and crew.’ Siguro nakikita niya ako sa set e, kung paano ako makisama sa mga staff ko at saka sa mga artista. Tapos sabi kong ganun, ‘Tito Rez, pag-iisipan ko munang mabuti.’ “Tapos in-invite ko rin po sila doon sa premiere night ng The Super Parental Guardians (ang recent blockbuster movie nila ni Vice Ganda). Nung dinner after po ng movie, nilapitan niya (Rez) po si Tita Cory Vidanes (ABS-CBN executive). Kinausap niya po na gusto nga nila akong patakbuhin na maging president. Tapos kinausap po ako ni Tita Cory, sabi ko, ‘Natatakot po ako. Dahil pag pinuntahan ko iyan, definitely, baka madami akong makabangga, makaaway.’ Kasi kilala ko yung sarili ko e. Maaaring bata ako sa paningin ng iba, pero hindi ako pupunta sa isang posisyon o sa isang lugar na hindi ko sigurado na alam ko yung gagawin ko. Sabi ko, may iba pa akong way kung paano ako makakatulong.” Ang naisip ngang paraan ng pagtulong ni Coco sa ngayon kahit hindi siya maupo bilang presidente ng Actors Guild ay ang pagbibigay ng trabaho sa kapwa niya mga artista bilang guests sa kanyang teleserye sa ABS-CBN, kung saan tumatayo rin siya bilang creative consultant. “Like nga po sa Ang Probinsyano, nabibigyan ko nang dahan-dahan ng trabaho yung ating mga kasamahan. At least kahit sa ganitong pamamaraan nagkakaroon tayo ng chance para makatulong. Kasi po alam ko na napakalaking responsibilidad kapag naging presidente ka ng Actors Guild. Ang magagawa ko lang po siguro sa ngayon ay sumuporta, kung anuman po ang maitutulong ko sa kanila.” Priority raw ni Coco na tulungan at mabigyan ng trabaho ang mga dating artista na gustong bumalik sa showbiz. “Sabi ko nga, ‘Tito Rez, gusto kong tulungan yung mga kasamahan nating artista lalong-lalo na yung mga artista na parang gusto nilang magkaroon ng second chance.’ Doon muna ako, iyon muna ang gagawin ko. Iyon muna ang nakikita kong magagawa ko sa ngayon.” Dagdag pa ni Coco, bukod sa Ang Probinsyano, marami pa raw siyang mga taga-industriyang matutulungan sa binabalak niyang gawing ngayong taon na online series at pelikula, na siya mismo ang magdidirek at magpo-produce. Samantala, ibinalita rin ni Coco na hindi pa magtatapos ang FPJ’s Ang Probinsyano at marami pa raw mangyayari sa serye. Kung ang ibang teleserye ay ipinapakita ang kagandahan ng ibang bansa, sa Ang Probinsyano raw ay ipapakita naman nila ang kagandahan ng mga tanawin sa iba’t ibang probinsya sa Pilipinas. Dahil nga pugante ngayon ang ginagampanan niyang si Cardo sa serye, kaya magpapalipat-lipat siya ng mga probinsya sa kanyang pagtatago. Hindi lang daw magagandang tanawin kundi pati kabuhayan at mga nangyayari sa probinsyang pupuntahan niya ang makikita. Mula sa produksyon ng Dreamscape Entertainment Television, ang FPJ’s Ang Probinsyano ay mapapanood mula Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng TV Patrol sa ABS-CBN Primetime Bida. LIKE OUR FACEBOOK PAGE
loading...
loading...
|
New Placenta Soaps
Archives
June 2020
Categories
All
|